//07:05:32 PM ~ 20th May 2005
Ma,
Napakarami kong gustong sabihin sayo, ngunit di ko alam kung saan ako magsisimula. Marami ka nang nagawa para sa pamilyang 'to. Kung sa hirap lang, matindi ang tiniis mo. Mula kay Papa, sa araw-araw na gastusin, sa mga kapatid mo, sa trabaho, sa kaibigan, at sa amin.. mga anak mo. Alam ko kung gaano karaming luha ang iniiyak mo, mula't sapul na iniluwal mo ko sa mundo. Hindi lingid sa lahat ng mga nakakakilala sa'yo kung gaano kalaki ang mga isinakripisyo mo para lang sa kasiyahan ng mga mahal mo sa buhay. Mas inuna mo ang kapakanan namin kaysa sa sarili mong mga hangad. Ni simpleng matiwasay na pagtulog ay ipinagkakait mo sa sarili mo, para lang makasiguro ka na lahat kami ay nasa mabuting kalagayan.
Hindi ka madamot. Lahat na ata ng kaya mong ibigay, naibigay mo na. Naitaguyod mo ang mga kapatid mo mula sa sarili mong pagsisikap. Lahat sila nakatapos ng kolehiyo dahil sa pagtitiyaga mo. Ikaw ang tumayong pangalawang ina, mula nang iwan kayo ni Lola. Tinitingala kita sa pagiging isang huwarang panganay mo. Lahat ng kasaganahan sa buhay ay pinalasap mo sa iyong mga mahal sa buhay. Kahit malayong kamag-anak pa yan. At kahit na nagkaroon ka ng sarili mong pamilya, hindi mo tinalikuran ang responsibilidad mo sa kanila. Ngayong wala na rin si Lolo, sigurado akong masaya siyang lumisan dahil nakita niya ang puspos mong pagmamahal sa lahat.
Lalo pa sa amin. Kaming mga anak mo na sunod ang lahat ng luho. Kahit wala ng pera, gumagawa ka ng paraan para lang makita mo kaming masaya, nakatawa. Sa mga kapatid ko. Hindi mo iniinda ang antok at pagod dahil sa paghihintay mo sa kanilang pag-uwi mula sa magdamagang pagbabasketbol. Kahit pabalang kang sinasagot sa bawat pagsita mo sa kanila'y patuloy ka pa rin sa pang-uunawa. Dala marahil ng impluwensiya ng barkada kaya nabubulagan sila sa pagmamalasakit mong ito. Akala nila'y pinagkakait mo sa kanila ang kaligayahang ito. Pero alam na alam kong para rin naman ito sa kanilang kabutihan. Paano pa kaya kay Papa? Ang pagmamahal na ibinibigay mo sa kanya ay walang katumbas. Walang katapusang pag-intindi at pagpapakumbaba ang iyong ipinapamalas. Saksi ako sa paghihinagpis mo noon. Kahit sa murang kaisipan ko'y naintindahan ko na kung ano ang tunay na pagmamahal. Hindi mo siya iniwan kahit pa ilang hirap at pasakit ang binigay nya sayo. Bagkus mas minahal mo pa siya ng walang pag-aalinlangan. Ehemplo ka ng isang mabuting asawa.
At sa akin. Alam mo kung ano ang pagkatao ko. Kung meron mang nakakakilala sa akin ng lubusan, ay ikaw na yon. Madalas din tayong magtalo kagaya rin ng ibang mag-ina, normal na senaryo na yon. Pero alam naman natin na di rin natin kayang tiisin ang isa't isa. Mahal kita Ma. Mahal na mahal.
Suwail akong anak ngunit hindi ka nagkimkim ng galit sa akin. Inintindi mo ako nung nagrebelde ako. Tinanggap mo ang mga minahal ko kahit labag sa kalooban mo, para lamang sa ikaliligaya ko. Yinakap mo ako nung panahong punung-puno ako ng kalungkutan. Ikaw ang nagbigay ng pag-asa sa'kin. Hindi mo ako itinatwa nang malaman mo ang nagawa kong kasalanan. Mas lalo mo pa akong hinagkan noon. Hindi mo ako sinigawan o sinampal man lang, kahit na yun ang karapat-dapat. Ang yakap mo ng gabing iyon ang pinaka-mainit sa lahat sapagkat noon ko naintindihan ang tunay na kahulugan ng pagiging isang ina.
Ma, tapos na marahil ang Mother's Day, pero sa puso ko, araw-araw kong ipagdiriwang ang kagandahan ng iyong pagkatao. At nagpupuri ako sa Diyos, dahil ikaw ang napili Niya upang maging Mama ko. Habang buhay kong ipagpapasalamat sa Kanya yon.
Happy Birthday po.
Nagmamahal,
Normi